Hiniling ni Vice President Leni Robredo na maging transparent ang Commission on Appointments (CA) sa kanilang mga desisyon sa mga appointees ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ginawa ni Robredo ang kahilingan matapos i-reject ng komisyon ang appointment ni dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo.
“Mas gugustuhin sana natin na mas transparent din iyong process, mas alam natin kung bakit na-reject,” ani Robredo sa press conference sa Freedom Cycle sa Naga City kahapon.
Hindi sinabi ng CA ang dahilan kung bakit nila ni-reject ang appointment ni Taguiwalo at hindi rin alam ng taumbayan kung ano ang naging boto ng 24 miyembro ng komisyon.
“Tingin ko kasi, iyong frustration kasi nanggagaling doon. Iyong alam mo na iyong pinaglalaban nitong taong ito, iyon din iyong pinaglalaban mo, and yet hindi siya pumasa sa proseso,” ani Robredo.
Ang alam ng publiko ay hindi nakuha ni Taguiwalo ang majority votes o 13 votes kaya na-reject ang appointment nito subalit, blangko ang taumbayan kung sino ang bumoto ng pabor at hindi pabor.
“Mahalaga din na kapag may ganitong nangyayari, nag-e-express tayo ng outrage, para iyong mga tao naman o opisina na binigyan ng mandate, parang nako-call out iyong attention nila,” ani Robredo.