Hinimok ng transport sector ang gobyerno na pabilisin ang pamimigay ng cash aid sa hanay ng mga driver na nawalan ng hanapbuhay simula nang ipatupad ang enhanced community quarantine.
Sa magkahiwalay na panayam ng DZMM kina Zeny Maranan, pangulo ng Federation of Jeepney Operators, at Pasang Masda president Obet Martin, iisa ang kanilang panawagan na pabilis ang tulong na ibibigay sa mga driver.
Ayon kay Maranan, dapat aniyang tumulong ang Department of Transportation (DOTr) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na i-check ang mga record para mapabilis ang pamamahagi ng cash aid sa mga driver na dalawang buwan nang walang pasada.
“Ang ayuda sa jeepney sector dapat ibinigay sa DOTr o LTFRB. Sila `yung sa bawat lugar sa mga region sa lahat may mga opisina sila nandyan nagpaparehistro, nagpapakuha ng kanilang mga prangkisa so merong hahawak,” ayon kay Maranan.
Sinabi naman ni Martin na “Kaawa-awa naman kaming mga driver. Alam naman ninyong `pag hindi kumayod, walang kita.”
“Hihingin ko lang po sana kay Kalihim [Rolando] Bautista ng DSWD na kung pupuwede ipa-expedite ang pag-release ng amelioration sa mga driver sapagkat magto-2 months na po kaming nakanganga. Mayroon naman pong natatanggap sa mga city government pero kulang pa rin po iyon,” ayon kay Martin.
“`Yung validation process po ng DSWD ang nagpapatagal kaya nga po ang suggestion ko kay Atty. Tamayo ang NCR Director ng LTFRB at kay Chairman Delgra bakit hindi kumuha ng mga nasa records department ng central office ng LTFRB, records department ng NCR at makipag-ugnayan direkta sa DSWD para mabilis ang validation,” mungkahi ni Martin. (Riz Dominguez)