Trapik na nga! Tugade nagpabili pa ng speed gun

sec-arthur-tugade

Kahit kaliwat-kanan ang trapik sa Metro Manila, binabalak pa ng Department of Transportation (DOTr) na bumili ng speed gun para mahuli ang mga kaskaserong motorista.

Isiniwalat ito ng isang tauhan ni DOTr Secretary Arthur Tugade kung saan pakikialaman nila ang nananahimik na P10 bilyong pondo ng Road Board.

Aabot sa 200 ang bibilhin na speed gun ng DOTr, bawat isa ay nagkakahalaga ng P200,000 hanggang P 400,000 o kabuuang P80 milyon.

“There are about a thousand intersections in Metro Manila, so at least 20 percent that should be around 200 for the whole Metro Manila,” wika ni DOTr Undersecretary for Roads Thomas Orbos.

Kinausap na aniya niya si Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Edgar Galvante para humugot ng pondo sa Road Board.

“Siguro procurement will happen within six months, so within the year,”kalkula ni Orbos kung kailan sila makakabili ng speed guns.

Ang pondo ng Road Board, nilikha sa ilalim ng Republic Act 8784, ay nanggagaling sa binabayarang Road User’s Tax ng mga nagpaparehistro sa sasakyan. Isinasaad sa batas na ang pondo ay dapat gamitin sa road maintenance, road drainage improvement, instalasyon ng traffic lights at road safety device at pati na sa air pollution control.

Nakabili na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng maraming speed gun subalit hindi rin ito napakinabangan dahil sa depekto.