Posibleng hanggang taong 2021 makakaranas ng mabigat ng daloy ng trapiko sa ilang pangunahing lansangan sa lungsod ng Parañaque dahil sa maaantalang konstruksiyon para sa unang bahagi ng P9-billion Cavitex C5 Link Expressway project makaraang hindi lagdaan ang “right of way” nito.
Base sa ulat na ipinarating ng isang toll road regulator kahapon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, napag-alaman na hindi pinirmahan ng San Miguel Corporation at foreign partner nito, ang Citra Group of Indonesia, ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa “right of way” ng proyekto.
Ito ay sa kabila ng inaprubahan ng Cavitex Infrastructure Corporation, Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department Of Transportation (DOTr) ang naturang road project noon pang Hunyo.
Nagkaroon umano ng sigalot sa pagitan ng kontraktor at ng naturang mga kumpanyang hindi lumagda sa MOA. Dahil dito, malamang sa isang taon pa umpisahan ang proyekto ng nanalong bidder na Metro Pacific Tollways Corporation na dapat ay matatapos ng 2019.
Kapag hindi naayos ang gusot, posibleng umabot ang naturang proyekto hanggang 2021.
Kaugnay nito, nakiusap si Olivarez sa mga kumpanyang sangkot na ayusin ang kanilang ‘gusot’ dahil ang labis na magdurusa ay ang mga taga-Parañaque at posibleng malugi ang ilang negosyo rito.
Nabatid, na ang first phase Cavitex C5 Link ay mula sa C5, Taguig City na dadaan sa Merville, Parañaque City sa pamamagitan ng flyover samantalang ang phase two ay mula sa Merville patungong Cavite.