Trapik sa U2 concert

Kahit malamig na ang panahon, marami ang nag-init ang ulo dahil sa matinding trapik na dinulot ng concert ng Irish rock band U2 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan kagabi. Ngayon lang nag-concert sa bansa ang tropa ni Bono kaya naman nagpuntahan ang maraming tao patungo sa nasabing arena.

Isa tayo sa tagahanga ng U2 at umaawit sa videoke ng mga hit na kanta nilang “With or Without You”, “Sunday Bloody Sunday”, “One”, “Pride(In the Name of Love)”,”I Still Haven’t Found What I’m Looking For” at iba pa. Pero sa layo ng concert venue, pinalampas ko na lang ang pagbihirang pagkakataon na mapanood ang idolong rock band.

Kung nagkataon palang nanonood ako, kabilang ako sa libo-libong nagdusa sa matinding trapik patungo sa venue. Ilan sa inabot ng alas-9 ng gabi bago makarating sa tapat ng Philippine Arena ay si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon.

Naglakad na lamang ang mambabatas para makarating sa concert venue. Ang celebrity host na si Gretchen Fullido, nagtweet pa na inabot siya ng anim na oras mula EDSA para makarating lamang sa NLEX. Siguradong marami pang celebrity at mga prominenteng indibiduwal ang natrapik din patungo sa Philippine Arena.

Ang masaklap nito, pati na ang ibang commuter na pauwi na mula sa trabaho ay damay sa matinding trapik kahapon sa NLEX. Hangad lang nila na makauwi agad upang makapagpahinga pero nakadagdag pa sa kanilang pagod ang matinding trapik sa nasabing expressway.

Naalala ko tuloy noong minsang nag-concert din ang rock band na Coldplay sa Mall of Asia concert grounds noong Abril 2017.

Nagkabuhol-buhol ang trapik noon sa Pasay City at umabot sa GSIS complex ang nagpark ng mga sasakyan ng manonood.

Aligaga ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagbibigay ng babala sa mga shopping mall para hindi sila makapagdulot ng trapik tuwing Disyembre. Binawal nila ang mga mall sale sa panahon ng kapaskuhan pero hindi nila inakala sa aabot sa Metro Manila ang buntot ng trapik dulot ng U2 concert sa Bocaue.