Ramdam na kahapon ang mabigat na daloy ng trapiko sa Tandang Sora Avenue sa Commonwealth, Quezon City, matapos na isara ang ‘flyover’ para sa konstruksyon ng MRT-7 nitong nakaraang Marso 2.

Sinabi ni Quezon City Councilor Ranulfo Ludovica, umaga pa lamang ay usad-pagong na ang daloy ng trapiko mula Quezon City Circle at pagsisikip pagdating sa Commonwealth Avenue.

Aniya, posible umanong naging sanhi sa pagbibigat ng daloy ng trapiko sa lugar ang pag-okupa ng halos dalawang lane ng mga nagbababa at nagsasakay ng mga jeep at bus, gayundin ang mga nag-aabang na mga pasahero.

Dahil dito ay plano ng pamahalaang lungsod ng Quezon na mag-deploy pa ng mga karagdagang tauhan na may mga hawak na megaphone na tutulong sa mga MMDA constables at traffic enforcer upang atasan ang mga commuter at mga pampasaherong sasakyan na huwag okupahin ang dalawang lane.

Iwas pusoy naman ang kontrakor ng ginibang flyover at sinabing bahala na umano ang pamunuan ng MMDA ang magsabi kung nakakasagabal ba sila sa daloy ng trapiko sa nasabing lugar.

“We expected na manageable ang traffic sa area despite the closure pero better if you ask MMDA or DPOS on over-all assessment kasi self-serving kapag sa amin nanggaling. But that was expected: mas moving ang traffic dahil wala ng agawan sa flyover, dere-deretso ang mga sasakyan sa baba ng flyover dahil wala ng traffic lights,” ayon kay Van Evangelista, spokesperson ng EEI Corporation.