Kinikilala natin ang inisyatibo ng pamahalaan lalo na ng Department of Transportation (DoTr) sa pagresolba sa problema sa trapiko.
Sa totoo lang hindi naman sila nagkukulang, lahat ng paraan ay ginagawa na nila para maibsan ang paghihirap na dinaranas ng mga motorista at mga pasahero sa pagbibiyahe.
Pero sadyang may mga lehitimong rason kaya hindi ito basta-basta maresolba ng gobyerno sa pangunguna ng DoTr na naatasang rumesolba sa problema.
Kagaya na lamang ng naglipanang mga naghuhukay na mga kontratista ng mga public utilities sa pangunguna ng Maynilad at Manila Water.
Hindi pala saklaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga kontratistang kinuha ng mga public utilities para kumumpuni ng mga tubo sa kalsada.
Ibig sabihin, walang powers ang DPWH na pakialaman o sitahin sa walang patumanggang pagbubutas ng kahit na gitna ng kalsada ng mga kontratista ng Maynilad at Manila Water na nakakadagdag sa pagsisikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Kung ganito ang sitwasyon, ibig bang sabihin nito ay wala nang ahensya ng gobyerno ang maaring kumastigo o dumisiplina sa mga iresponsableng mga kontratista ng Maynilad at Manila Water?
Sa puntong ito, kailangan nang kumilos ng Kongreso at bumalangkas ng batas na nagbabawal o nagbibigay ng deadline sa mga contractor ng Maynilad at Manil Water kung gaano nila katagal dapat gawin ang isang proyekto o pagkukumpuni sa isang pangunahing lugar.
Hindi naman yata tamang ang mga kontratistang ito ang masusunod. Nagka-gobyerno pa tayo kung nakatali rin lang naman pala ang inyong kamay at walang kakayang kastiguhin ang mga nagiging sanhi ng trapiko sa Metro Manila.
Kaya sana makita ng Kongreso ang problemang ito. May urgency sa usaping ito kaya sana ay mapagtuunan ito ng pansin.
Hindi pupuwedeng walang sumasaklaw sa mga pribadong kumpanya na nagpapasimuno ng trapiko at sumisira sa mga kalsada dahil unang-una bayad ng mga consumer ng kanilang serbisyo kaya dapat pagbutihin nila ang paghahatid ng serbisyo.
Hindi iyong pasaway na sila sa kalsada ay nakakadagdag pa sila ng perwisyo sa mga sasakyan ng mga motorista na halos masira na ang shock dahil sa iniiwang mga baku-bakong daan na pinaggawaan ng mga kontratistang ito ng Maynilad at Manila Water.
ipagbawal ang kotse(car) lang sa EDSA,bilib me, no more trapik sa EDSA,promise yan