Nanawagan si Manila Mayor Joseph Estrada sa mga taga-lungsod ng Maynila at sa pulisya na tiyaking ligtas at mapayapa ang Traslacion sa Enero 9, Miyerkoles.

Ayon kay Estrada, bagama’t naniniwala siya sa kapasidad ng PNP sa pangunguna nina Gene­ral Oscar Albayalde at Manila Police Chief, Senior Supt. Vicente Da­nao, Jr., kailangan pa rin ang pakikiisa ng mga resi­dente ng Maynila upang masiguro ang kaayusan sa prusisyon.

Iniutos na rin ni Estrada ang paglilinis sa mga daraanan ng Itim na Nazareno, pati ang mga nakaparadang sasakyan, mga vendor at mga illegal terminal.

Inatasan din ng alkalde sila Manila Traffic Chief, Dennis Alcoreza at City Security Chief, Capt. Jimmy De Pedro na magpatrolya sa mga nalinis na daanan ng Traslacion upang matiyak na hindi magbabalikan ang mga ito.

Ikinasiya rin ni Estrada ang pagtiyak ni Albayalde na walang banta ng terorismo sa Traslacion bagama’t umapela rin siya sa mga barangay official na makipagtulungan sa PNP sa pamamagitan ng pagmonitor sa kanilang lugar.

Muling nanawagan ang alkalde sa mga vendor ng fishball, barbecue, banana cue at mga isaw na huwag munang gumamit ng mga stick sa kanilang paninda para hindi ito kumalat sa ruta ng Traslacion.

“Nakikita natin puwede pala ang mga paper plate at mga paper cup sa mga fishball at mga isaw, iyon na lang ang gamitin nila para matulungan din natin ang mga sasama sa prusisyon na huwag masugatan sa mga stick kapag ikinalat ng mga bumibili,” sabi pa ni Estrada.

Inaasahan sa Miyerkoles ang pagdagsa ng milyong deboto na taon-taong namamanata sa pagprusisyon ng sinasabing milgrasong Black Nazarene. (Mia Billones)