Nakatalon mula sa nasunog na traysikel ang drayber nito makaraang magliyab at sumabog ang kanyang kargang paputok at pailaw na hindi nito namalayang kumiskis sa kalsada habang bumibiyahe sa Bocaue, Bulacan kahapon.

Nakilala ang drayber ng nasunog na traysikel na si Rogelio Bonifacio residente ng bayan ng Marilao. Hindi ito nasugatan ngunit posibleng hindi na pakinabangan ang kanyang traysikel.

Naganap ang insidente dakong alas-10:30 anng umaga kahapon sa kahabaan ng Mac-Arthur Highway sakop ng Brgy. Lolomboy. Dahil nakalaylay umano ang dulong bahagi ng lusis na dala ni Bonifacio, lumikha ito ng spark sa kalsada na naging sanhi ng pagliyab at pagsabog ng mga paputok.

Mabilis namang naapula ng mga rumespondeng Bocaue Fire station ang sunog. Hindi na matiyak ng drayber ang halaga ng mga dala nitong paputok ngunit tiniyak nito na binili niya ang mga ito sa lehitimong tindahan ng paputok sa bayan ng Bocaue. (Jun Borlongan)