Excited ang isang Visayan solon sa pagbuhay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa railway system sa Pa­nay Island dahil tiyak na sisigla pa umano ang ekonomiya, hindi lamang Ilolo, Capiz at Aklan kundi ang buong Western Visayas region.

Ayon kay Iloilo Rep. Jerry Trenas, matagal na umanong nasa drawing board ang pagbuhay ng national government sa Panay Island railway system subalit sa hindi malamang dahilan ay lagi itong nauudlot.

Gayunpaman, dahil mismong si Duterte na aniya ang nagpahayag na buhayin ang railway system sa tatlong nabanggit na probinsya ay malaki ang posibilidad na matutuloy na ito sa wakas.

Ang Panay Railway system ay unang itinayo noong 1906 subalit noong dekada 80 ay hindi na ito tumakbo na naging dahilan para bumagal ang takbo ng buhay sa nasabing lalawigan na kilalang supplier ng seafoods, prutas at iba pang agricultural products.