Tren walang travel pass, hinarang sa Laguna

Nagkagulo sa isang barangay sa Calamba City, Laguna matapos na pigilan ng mga residente sa tabing riles na padaanin ang isang tren ng Philippine National Railways (PNR ) na galing sa Metro Manila noong Linggo.

Sa video na ini-upload sa Facebook ng isa sa residente na si Roel Santos, nagmatigas ang mga ito na hindi padaanin ang tren dahil naka-total lock down ang buong probinsya.

Ayon sa mga residente, nag-operate nang walang travel pass at walang abiso ang tren kaya may karapatan silang harangin ito.

Sinabihan pa ng mga residente na kumuha muna ng permit sa city hall ang mga taga- PNR para sila ay makadaan.

Iginiit din ng mga ito na suspendido ang biyahe ng PNR mula Maynila hanggang Calamba City at pabalik batay sa inilabas na drektiba ng DOTr noong Marso 21.

Mula noong i-total lock down ang Laguna, naglagay na ng mga harang at mga tolda sa kahabaan ng mga riles ang mga residente na nakatira gilid ng railway at hindi na nagpapasok sa mga taga ibang lugar.

Giit naman ng mga taga PNR na sakay ng tren, right of way nila ang riles at hindi nila kelangan na mag-abiso sa mga residente kung anong oras man sila dadaan.

Napag-alaman na wala namang sakay na pasahero ang tren maliban sa mga empleyado at hindi rin malinaw kung saan ang punta nito.

Matapos ang mahabang pagtatalo at paliwanagan, nakadaan din ang tren matapos na alisin ng mga residente ang itinayo nilang barikada sa riles. (Ronilo Dagos)