Akala ni Coach Pido Jarencio ay hindi na magpapraktis ang kanyang GlobalPort.

May isa pa pala.

Pumukol ng 3 si Jonathan Grey at kinumpleto ng Batang Pier ang comeback para itakas ang ga-buhok na 114-113 win kontra top seed Rain or Shine sa opener ng kanilang quarterfinals series ng PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum kagabi.

Sinagad ang twice-to-beat ng Elasto Pain­ters, balik sa praktis ang Batang Pier ngayong araw para paghandaan ang do-or-die game bukas.

“Ki-nick ni Malcolm (White), libre, tinira. Ano ‘yun eh, give-and-take,” ani Jarencio sa winning basket ni Grey. “Kung wala, nakuha nila eh ‘di talo tayo.”
May tsansa pa ang Painters sa final 11.8 seconds pero sa inbounds pa lang ay muntik nang mawalan ng posesyon.

Napunta kay Gabe Norwood ang bola, kabyos ang pukol at nakuha ni Maverick ­Ahanmisi pero tumama lang din sa rim ang bato sabay sa final buzzer.

Wala ring naipasok si Ahanmisi sa tatlong free throws sa dulo na nagbigay sana ng cu­shion sa RoS.

Sa praktis noong Lunes ay sinabihan na raw ni Jarencio si Grey na magpakitang-gilas.

“Sabi ko sa kanya, ‘Jon, laruan mo naman ako, bigyan mo ako ng depensa, bigyan mo ako ng iskor,’” dagdag ni Ja­rencio, huling tumapak sa semifinals dalawang taon na ang nakakaraan. “Sabi niya, ‘sige, coach.’ Kaya ayun.”

Nilista ni White ang 13 sa kanyang game-high 28 points sa third at may 16 rebounds pa.

Nagpasabog ng 12 points sa fourth si Grey tungo sa 22 points sa likod ng 3 for 7 shoo­ting sa 3-point range. Pinaglaruan ni Stanley Pringle ang triple-double sa 21 points at tig-9 rebounds at assists para sa GlobalPort.

Nasilat ang Rain or Shine sa kabila ng anim na players na nagsumite ng 10 points pataas sa pangunguna ng 24 ni Reggie Jackson, 12 dito sa third nang magsagutan sila ni White.