Maraming nagsasabi na napaglipa­san na ng panahon ang triangle offense.

Pero hindi si Tim Cone.

Naging palabigasan ni Cone ang paborito niyang triangle offense sa pagkopo ng PBA record 19 championships, ito rin ang ginawa niyang instrumento para pumasok ang Ginebra sa win-­column ng PBA Governors Cup via 124-108 ­demolisyon sa GlobalPort noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

Nasa kuwadra ng Gin Kings ang mga higanteng sina Japeth Aguilar, Joe Devance at ang nagbabalik mula groin at knee injuries na si Greg Slaughter, pati kay Justin Brownlee.

Swak na swak ang malalaki sa triangle.

“We visited the triangle a little bit more because the triangle is such a great post offense,” lahad ni Cone. “At least that’s one of the reasons everybody said it’s archaic or old offense because everything now is about spread and being guard-oriented and shooting 3s. Your big men are basically rim­ ­protectors and screeners.”

Sa halos isang taon na nawala si Slaughter, nakaangkla ang Ginebra sa up-tempo, small-ball game na binibitbit ng guards.

Tumapos si 7-foot slotman Slaughter ng 19 points at eight rebounds nang bumawi ang Gins mula sa 93-78 loss sa Meralco noong nakaraang linggo.

Giniit ni Cone na mas makakagalaw si Slaughter sa triangle, bagama’t nag-a-adjust pa ito.

“Now we have him so the triangle is really better for us,” dagdag ni Cone.