Brutal na pinatay ng apat na hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang isang tribal leader matapos itong tadtarin ng bala na nasaksihan ng kanyang 9-anyos na anak sa Cabanglasan, Bukidnon, Sabado ng umaga.

Namatay noon din dahil sa mga tinamong tama ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ang biktima na kinilalang si Datu Sammy Diwangan, indigenous people (IP) mandatory representative.

Sa ulat ng 8th Infantry Division ng Philippine Army, nangyari ang krimen dakong alas-9:15 ng umaga habang abala ang biktima sa kanyang gawain sa harapan ng kanilang bahay sa Brgy. Canangaan.

Dumating ang apat na armadong lalaki na pinaniniwalaang mga miyembro ng Guerrilla Front Malayag ng NPA at agad pinaluhod ang biktima saka binaril ito sa ulo.

Kahit wala nang buhay ay pinagbabaril pa ng mga suspek sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na nasaksihan ng 9-anyos nitong anak na eksaktong paparating sa lugar matapos utusang bumili ng gasolina ng ama.

Nakapagtago umano ang paslit bago pa makita ito ng mga suspek.

Batay sa ulat, kilala ang biktima na kontra sa mga ipinaglalaban ng NPA lalo na sa pagre-recruit nito ng kabataan sa kanilang bayan upang gawing child warrior.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng lokal na Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang anak ng biktima. (Edwin Balasa)