Patay ang isang 45-anyos na tricycle driver na nagkabutas-butas ang katawan nang anim na beses pagbabarilin ng ‘di nakilalang salarin habang nag-aabang ng magiging pasahero noong Sabado ng hapon sa Purok Garcia, Brgy. Esguerra, sa Talavera, Nueva Ecija.

Sa ulat ni P/Supt. Leo Novilla sa tanggapan ni Mayor Nerivi Santos-Martinez, nakilala ang biktima na si Anthony Casimiro Balagtas, alyas Tonton/Tune, residente sa naturang barangay.

Nabatid sa imbestigasyon ni PO2 Gilbert Dizon na dakong alas-tres ng hapon, prenteng nakaupo sa kaniyang motorsiklo si Balagtas nang dumating ang mga salarin na riding-in-tandem.

Isa sa mga ito ang bumaba at malapitang pinagbabaril ang nagulantang na biktima.

Mabilis na tumakas ang mga salarin patungong norte.