Tricycle driver sa Quiapo timbog sa P1M shabu

Isang tricycle driver ang nahulihan ng P1 milyong halaga ng shabu makaraang isailalim sa buy-bust ope­ration ng pinagsanib na operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region at Manila Police District-Station 3 sa Quiapo kamakalawa nang hapon.

Kinilala ang suspek na si Saiben Alamada y Pandapatan alyas ‘Saiben’, 20-anyos at residente ng Globo de Oro Street na sakop ng Brgy. 384, Quiapo, Maynila.

Nakalagay sa dalawang transparent na supot ang mga shabu na nasamsam mula sa suspek.

Bandang alas-2:30 ng hapon nang maaresto umano si Alamada sa panulukan ng Quezon Boulevard at Escaldo Street sa Quiapo.

Bukod sa iligal na droga, narekober din ang kanyang cellphone at pekeng pera. Nabawi rin ang P1,000 na ginamit sa buy-bust operation. (Juliet de Loza-Cudia)