Inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pinayagan nang pumasada sa national highway ang mga tricycle para madagdagan ang limitadong public transportation sa mga lugar na isinailalim sa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ.

Matatandaan na noong Pebrero lamang ay inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año lahat ng mga pamahalaang lokal para mahigpit na ipatupad ang pagbabawal sa pagbiyahe ng mga tricycle at pedicab sa mga pangunahing lansangan bilang bahagi ng road clearing operation ng gobyerno.

Subalit sa virtual presser nitong Martes, inihayag ni Roque ang bagong polisiya tungkol sa mga lugar kung saan puwedeng bumiyahe ang mga tricycle.

“Nagkaroon na po ng bagong polisiya. Pinapayagan na ngayon ang mga sidecar sa national highways. `Yan po ay para maibsan `yung kakulangan ng transportasyon ngayong nag-GCQ na at MGCQ sa maraming areas,” ayon kay Roque.

Noong Lunes ay pinayuhan din ni Año ang mga motorcycle rider na kabitan ng sidecar ang kanilang sasakyan ung nais bumiyahe na mayroong pasahero.

Ipinagbabawal pa rin kasi ang pag-angkas sa motorsiklo maging ng mga mag-asawa dahil labag umano ito sa social distancing protocol. (Prince Golez)