Patay ang isang pasahero ng tricycle samantalang malubhang nasugatan ang anim na iba pang sakay nito nang salpukin sila ng kasalubong na bus sa Barangay Nagcuartelan, Aritao, Nueva Vizcaya.

Kinilala ng Aritao Police Station ang nasawi na si Jen Gallardo Pantig na nakatira sa nasabing bayan.

Kabilang naman sa mga sugatan ang dalawang taong gulang na babaeng anak ni Pantig at kanyang pamangkin na 3-anyos na batang lalaki.

Ilan pa sa mga nasugatan ay nakilalang sina Marie Liza Garcia, Marlyn Castillo Delia Balgos at ang tricycle driver na si Rolando Abenojar, pawang nakatira sa Aritao.

Base sa imbestigasyon, nag-overtake sa isang van ang tricycle ngunit may kasalubong na isang Florida bus. Tinangka pa umanong umiwas ng bus pero sinalpok pa rin nito ang tricycle.

Dahil sa lakas ng banggaan ay nahulog ang mga nakasakay sa likuran ng tricycle driver at naipit naman sa loob nito ang iba pang pasahero. ­(Allan Bergonia)