Pinayagan na ng Marikina local government unit ang pagbiyahe ng mga tricycle at pedicab sa mga lansangan ng siyudad bilang alternatibong pampublikong sasakyan dahil hindi pa pinapayagan na bumiyahe ang mga jeepney.

Nilinaw naman ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na base sa ilalim ng Executive Order 21, series of 2020 kailangang sumailalim muna ang lahat ng papasadang tricycle at pedicab sa mass testing habang ipinatutupad ang modified enhanced community quarantine (MECQ).

Kailangan din umanong sundin ng mga tricycle at pedicab driver ang social distancing at kung maaari ay isang pasahero lamang ang sakay, nakasuot ng face mask at palagiang mag-sanitize ng sasakyan para sa mga bagong sasakay na pasahero.

“Recognizing the need of our tricycle and pedicab drivers to get back to work, their transport operation shall be allowed to resume beginning tomorrow subject to the condition that only one passenger is allowed and that social distancing measures and safety protocols are observed, including the use of face masks, terminal markers on physical distancing, and regular disinfection and sanitation,” ayon sa alkalde.

Inoobliga din ang lahat ng miyembro ng grupo ng mga tricycle at pedicab driver na sumali sa mass testing para masiguro na ligtas sila at ang kanilang mga pasahero at magkaroon na sila ng kita sa araw- araw na pasada.

“Ito ay para may pagkuhanan ng kabuhayan ang mga drivers para sa kanilang mga pamilya,” ayon pa kay teodoro.

Sa kasalukuyan, nakapagtala na ang Marikina ng 147 confirmed COVID-19 cases. (Vick Aquino)