Trillanes dismayado kay Duterte

Dismayado si Senator Antonio Trillanes IV sa pananahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng agawan ng teritor­yo sa West Philippine Sea nitong nagdaang ASEAN Summit sa bansa.

Sa panayam kay Trillanes nang bumisita kay Sen. Leila de Lima sa PNP Custodial Center sa Camp Crame kahapon, sinabi nito na pinahina lamang ng Pangulo ang sana ay laban natin o ang nauna nang desisyon ng United Nations Tribunal na pabor sa Pilipinas.

Iginiit ni Trillanes na ang ASEAN Summit sana ang pinaka-maganda at ideal na forum para tala­kayin ang usapin dahil maliban sa kumpleto ang heads of state sa summit na karamihan ay kasali sa claimant countries sa ilang bahagi ng WPS, nasa kamay sana natin ang pagkakataon dahil hindi na kailangan pang puntahan at isa-isang kausapin dahil nasa harapan na n’ya ang mga ito.

“Sinayang n’ya ang pagkakataon,” wika ni Trillanes na tumutukoy kay Pagulong Duterte.

Kahapon ay ­binisita nina Senate ­Minority Floor Leader Franklin Drilon, Sen. Francis Pa­ngilinan, Sen. Riza Hontiveros, at Trillanes si Sen. Leila de Lima at tumagal ang pag-uusap nang ­mahigit sa isang oras.

Dito tinalakay ang isyu sa death penalty at ang pagpabor sa hirit ni De Lima na makadalo sa mga pagdinig sa Senado.