Trillanes isunod — pro-Du30

antonio-trillanes-iv

‘Bingo’ na si Senator Antonio Trillanes III sa mga tagasuporta ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte matapos sagutin ang tanong ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na siya ang gusto ng mga ito na isunod sa kulungan matapos na maipakulong si Senator Leila de Lima.

“Sino ang gusto niyo isunod?” tanong ni Aguirre­ nang dumalo ito sa pro-Duterte rally kahapon ng hapon sa Quirino Grandstand, Rizal Park sa Maynila.
Ang tanong ni Aguirre­ ay sinagot naman ng mga tagasuporta nito ng pasigaw na “si Trillanes”.

Bilang tugon sinabi naman ni Aguirre sa naghihiyawang “crowd” na “Oh, tulungan ninyo ako ha”.

Bukod kay De Lima na masugid na kritiko ni Pangulong Duterte, isa rin si Trillanes sa hayagang kritiko ng administrasyon ni Pangulong Duterte.

Sinabi pa ni Aguirre na hindi pa rin nagbabago ang dami ng mga nagmamahal at sumusuporta­ kay Pangulong Duterte.

Nabatid na isinagawa ang pro-Duterte rally matapos iorganisa ni Constancio Tiongco ang Mayor Rodrigo R. Duterte National ­Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) upang magpakita ng suporta sa Pangulo, makaraang putaktihin ito ng kritisismo.