Trillanes kinasuhan sa ‘kill-Duterte’ speech

May sapat na ebidensiya para kasuhan ng inciting to sedition si Senador Antonio Trillanes IV, ayon sa Pasay City Prosecutors Office.

Nakitaan ng probable cause ng state prosecutors ang inihaing kaso ng grupo ng ilang abogado laban kay Trillanes, kaugnay ng privilege speech ng senador sa Senado noong Oktubre 3, 2017, kung saan inilahad nito ang ebensiya sa hidden wealth umano ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kanyang speech, sinabi ng senador na “Kung makikita ito ng mga sundalo, M60 machine gun ang gagamitin sa ‘yo. Marami-rami ito maubos magazine kung P40 million hinahanap mo Mr. Duterte.”

Hinihikayat umano ng senador ang publiko na lumagda sa petisyon para mapababa sa puwesto si Pangulong Duterte at nais din ng senador na magtanim ng galit ang mga tao laban sa Pangulo.

Sa resolusyong inilabas ni Pasay City officer-in-charge, City Pro­secutor Benjamin Lanto, inirekomenda nito ang paghaharap ng kaso laban sa Senador.

Kaugnay ito sa kasong isinampa nina Attys. Eligio Mallari, Glenn Chong, Nestor Ifurung, Jacinto Paras, Eduardo Bringas at Nasser Marohomsalic.

Nilagdaan ni Assistant City Prosecutor Ju Haree Tolentino ang paghahain ng impormasyon sa korte at naghain ng rekomendasyon na P12,000 bilang piyansa laban sa senador.

Agad na nai-raffle ang kaso laban kay Trillanes at bumagsak ito sa sala ni Pasay City Metropolitan Trial Court (MTC) Judge Remibel Mondia ng Branch 45.

Handa naman si Trillanes na harapin ang kaso dahil ganito din ang ginawa sa kanya ng administrasyon ni da­ting Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

“Hindi katulad ni Duterte na duwag humarap sa kaso, haharapin ko ito,” diin ni Trillanes.