Trillanes nagpatutsada kay VM Paolo Duterte

Matapos magnegatibo sa drug test, binuhay ni Sen. Antonio Trillanes IV ang hamon kay Davao City Vice Mayor Paolo Duterte na pangalanan ang senador na sinasabi nitong gumagamit ng iligal na droga.

“Siya ang nag-blind item na may senador na nagko-cocaine. Dapat i-pressure siya na sabihin kung sino yan,” giit ni Trillanes.

Noon pang Oktubre 5 binanggit ni Paolo Duterte, anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, na may alam siyang senador na gumagamit ng cocaine subalit hanggang ngayon ay hindi niya ito pinapangalanan.

Sa pagnegatibo ni Trillanes sa drug test, sinabi ng senador na bawas na ng isa ang suspek na gumagamit ng iligal na droga.

“Negative ang resulta sa akin. Kung sino man tinutukoy ni Vice Mayor Paolo Duterte, hindi ako yun,” diin ng senador.

Nauna rito ay hinamon na ni Sen. Juan Edgardo Angara at Juan Miguel Zubiri si Paolo Duterte na pangalanan ang senador na gumagamit ng iligal na droga dahil lahat sila ay nagiging suspek sa paggamit ng cocaine.

Bukod kay Trillanes, sumalang din sa drug test si Zubiri at Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III at negatibo ang resulta nito.