Pinayagan ng Makati Regional Trial Court (RTC) si Senator Antonio Trillanes IV na makabiyahe sa labas ng bansa.
Nabatid sa inisyu na order ni Makati RTC Judge Elmo Alameda, pinaglalagak ng P200,000 travel bond si Trillanes sa bawat biyahe niya na paalis ng Pilipinas.
Nabatid sa mosyon, hiniling ni Trillanes na payagan siyang makabiyahe sa ibang bansa mula Disyembre 11, 2018 hanggang Enero 12, 2019 at mula Enero 27 hanggang Pebrero 10, 2019.
Nalaman na si Trillanes ay dadalo sa Disyembre sa mga aktibidad sa Amsterdam, Barcelona at London.
Habang sa Enero, makikipagpulong naman si Trillanes sa mga opisyal ng iba’t ibang grupo at institusyon sa California, Washington at Maryland sa US.
Una nang hinarang ng Department of Justice (DOJ) ang mosyon ni Trillanes na makalabas ng bansa.
Sa Makati RTC Branch 150 nakabinbin ang kasong rebelyon ni Trillanes kaugnay ng Manila Peninsula Siege noong 2007.