Trillanes tinuluyan sa ethics

Pormal na inihain ni Sen. Richard Gordon sa Senate committee on et­hics noong Lunes ng gabi ang reklamo laban kay Sen. Antonio Trillanes IV dahil sa umano’y “unparliamentary conducts and disorderly behavior” nito sa nakaraang hearing ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa smuggling ng P 6.4 bilyong shabu mula sa China.

Noong Huwebes ay inakusahan ni Trillanes na “komite de absuwelto” at “nag-aabugado” si Gordon sa anak at manugang ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil ayaw nitong ipatawag ang dalawa sa katuwiran na “hearsay” lang ang pagkakadawit nila sa smuggling ng shabu sa Bureau of Customs.

Subalit matapos magpahayag ang Pangulo na pinapayagan niyang duma­lo sa hearing sina Davao City Vice-Mayor Paolo ‘Pulong’ Duterte at Atty. Manases Carpio, asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte, pormal na ring pinadalhan ng imbitasyon ni Gordon ang dalawa nitong Lunes.

Sa inihaing reklamo ni Gordon sa ethics committee na pinamumunuan ni Senate Majority Lea­der Vicente ‘Tito’ Sotto III, hiling nito na parusahan si Trillanes dahil sa mga ginawa nito sa hearing.

Nanindigan din si Gordon na hindi sapat ang parusang ‘censure’ kay Trillanes dahil hindi lang naman siya ang winawasak ng senador kundi ang Senado bilang isang institusyon.

Bukod sa censure, ang iba pang maaa­ring ipataw na parusa sa miyembro ng Senado ay suspension at expulsion.

“The continuing, schematic and incorrigible abrasive conduct of Sen. Trillanes should be dealt with accordingly, maybe censure is not even enough. …” giit ni Gordon.