Kung maisasabatas ang panukala sa tax reform package, magiging ginto na ang presyo ng mga bagong sasakyan. Maghanda ka na ng karagdagang P50,000 hanggang P1 milyon dagdag sa presyo ng sasakyan depende sa brand at model ng sasakyan. Yung mga ngangangarap na makabili ng BMW, Porsche, Maserati, Lamborghini at iba pa, aba’y daanin nyo na lang sa panonood ng Fast and the Furious ang inyong pangarap dahil hindi lang doble, kundi triple ang magiging patong ng presyo sa nasabing panukala.

Magmamahal na nga ang presyo ng sasakyan, magmamahal pa ang presyo ng gasolina dahil sa panukala na patawan ito ng karagdagang P6 excise tax. Take note, hiwalay pa ito sa ikinakargang 12 percent Value Added Tax (VAT) sa produktong petrolyo. Kahit nga ang diesel na dating walang excise tax, balak na ring kargahan ng P6 tax.

Hindi lang ito ang pasanin ng car owners dahil ayon kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, nakaamba din ang pagtaas ng registration fees ng sasakyan. Sa plano ng gobyerno, ang Motor Vehicle User’s Charge (MVUC) ay itataas na sa P 6,552 mula sa kasalukuyang P3,600. Wow halos doble!

“Government has a triple whammy tax proposal on vehicles!” litanya tuloy ni Recto nang malaman niya ang plano ng gobyerno.

Napapakinabangan naman kaya ng mga motorista ang buwis na binabayad nila sa pagrehistro ng sasakyan?

Ayon kay Recto, mula 2000 hanggang 2016, uma­bot na sa P 135 bilyon ang nakolektang road user’s tax. Noong 2009, nagsagawa ng special audit ang Commission on Audit (COA) at maraming nakitang iregula­ridad sa paggamit ng pondo ang COA. Ay Sus Ginoo!

“If car registration fees are being collected in the name of the motorists’ safety, then we should be open to the purchase of equipment that will keep them from harm, especially in Metro Manila, where one accident was repor­ted every five minutes in 2015, suhestiyon pa ni Recto.

Korek si Recto dito! Imbes na kung saan-saan gastusin ang kinita sa buwis sa car registration, gastusin na lang para sa kaligtasan ng mga motorista hindi yung ginamit daw kuno sa clean air project na ang benepisyo ay kasing-itim ng tambutso ng jeep.

***

Maraming bisita ng Senado ang naliligaw sa mga nakalipas na araw dahil sa isinakatuparang rerouting. Ipinasara kasi ng Office of the Senate Sgt. At Arms (OSAA) ang main stairway patungo sa session hall dahil sa utos umano ng nakatataas. Sa ginawang pagsasara ng hagdan, madalas ngayon ang trapik sa elevator at fire exit dahil dito na lang dumadaan ang mga senador, empleyado at mga bisita.

Kung ano man ang dahilan sa pagsasara ng hagdan, lalo tuloy ngayong pumangit ang loob ng Senado. Lalo lang tumitibay ang argumento sa paglayas ng Senado sa inuupahang puwesto sa gusali ng Government Service Insurance System (GSIS) sa Pasay City.

Ano na kaya ang update kay Sen. Panfilo Lacson hinggil sa pinaplanong paglipat ng Senado sa Bo­nifacio Global City sa Taguig City o Antipolo City?