Tripoli at Imbo raragasa

Tumibay ang kapit ng University of Perpetual Help System Dalta sa No. 3 spot ng team standings dahil sa ipinakikitang tikas nina Cindy Imbo at Bianca Tripoli.

Tangan ang 6-2 karta, muling sasandalan ng Lady Altas sina Imbo at Tripoli pagharap nila sa College of Saint Benilde sa 93rd NCAA women’s volleyball tournament ngayong alas-12:30 ng hapon sa Filoil Arena, San Juan City.

Aarangkada sa semifinals ang Perpetual kapag nanalo sa Lady Blazers, unang umentra ang defending champion Arellano University at San Beda College kasama ang twice-to-beat incentives.

Sa huling panalo ng Lady Altas noong Biyernes, nagtala sina Imbo at tripoli ng 18 at 17 puntos ayon sa pagkakasunod para kalusin ang Letran College, 19-25, 25-20, 25-23, 25-10.

Magkasalo sa third spot ang CSB at Jose Rizal na katapat ang Lyceum of the Philippines sa alas-11 ng umaga.

Hawak ng Lady Blazers at Lady Bombers ang tig 5-3 cards, sakaling manalo sila sa magkahiwalay na laban ay magkakaroon ng three-way tie sa No. 3 kasama ang Lady Altas.

Subalit pag natalo ang JRU at CSB ay San Sebastian naman ang kasiksikan nila sa No. 4 na may tig 5-4 records.

Alas-11:00 ng umaga ang banatan ng Lady Bombers at Lady Pirates.(Elech Dawa)