Ni Gene Adsuara
Dalawang dalaga at lima pa nitong kasapakat ang dinampot ng Cavite Police matapos umano ng mga itong dukutin ang isang 25-anyos na seaman at kasama nitong babae sa Imus City, Cavite.
Iniimbestigahan ngayon ang naarestong dalagang suspek na sina Princess Sarmiento, 23, at Princess Joy Poras, 19, kapwa taga-Cavite City.
Kabilang din sa dinakip ang kasama ng mga itong sina Jackielou Bernal, 38, may asawa; Floyd Ordoñez, 36, may-asawa; Arwin Varrios, 35; Allan Sundiam, 39, may asawa; Mark Angel Andamon, 27, may asawa, pawang taga-Cavite rin; dahil sa umano’y pagdukot kay Sherwin at sa kasama nitong si Patricia, 19, na kapwa taga-Dasmariñas City.
Sa ulat ni PSSgt Mark Anthony Salvador, ng Imus City Police Station, alas-kuwatro kamakalawa nang hapon nang nakatanggap ng tawag ang Imus CPS hinggil umano’y pagdukot sa mga biktima sa Barangay Anabu 1D, Imus City Cavite.
Agad namang rumesponde ang awtoridad kung saan naaresto ang mga suspek.
Ayon kay Sherwin, humihingi umano ang mga suspek ng halagang P40,000 sa magulang nito kapalit ng kanyang paglaya.
Ayon din kay Patricia, nakatakas siya mula sa mga dumukot sa kanila habang ang mga ito ay tulog at nagsumbong sa pinakamalapit na barangay na siyang nag-report sa pulisya at nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Nakuha sa mga suspek ang isang kalibre .45 na baril, 11 bala, isang kalibre .38 at limang bala, walong hinihinalang plastic sachet ng pinatuyong marijuana, tatlong sachet ng shabu, siyam na cellphone at drug paraphernalias.
Tumanggi naman si Salvador na magbigay ng anumang detalye hinggil sa pagdukot sa seaman at tanging si PLt. Coronel Jose Junar Alamo, hepe ng Imus City Police Station lamang ang maaring magbigay subalit hindi rin makunan ng impormasyon matapos isugod sa ospital dahil sa init ng panahon.
Kasong kidnapping at paglabag sa RA 10591 at RA 9165 ang isinampang kaso laban sa mga suspek.