Dahil sa gaganapin na ika-30thAssociation of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit magpapatupad ng “truck ban” ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kahabaan ng Roxas Boulevard simula ngayong araw hanggang bukas (Abril 27 at 28).

Sa abiso kahapon ng MMDA, nabatid na magpapatupad sila ng re-routing scheme sa lahat ng truck na may gross capacity o bigat na 4,500 kilograms pataas, rehistrado man o hindi rehistrado sa Terminal Appointment Booking System (TABS).

Ayon sa MMDA, ang lahat ng truck sa Southern Route: mula Port Area hanggang South Super Highway (SLEX), babagtas ng Bonifacio Drive, kaliwa sa P. Burgos, Finance Road, Ayala Boulevard, kanan ng San Marcelino, kaliwa ng Pres.Quirino Avenue, kanan ng South Super Highway.

Ang Northern Route naman, mula South Super Highway (SLEX) hanggang Port Area, babagtas ng South Super Highway, kanan sa Pres. Quirino Avenue, kaliwa sa Plaza Dilao, kanan sa Pres. Quirino Avenue Extension, kaliwa sa United Nations Avenue, kanan sa Romualdez Street, kaliwa sa Ayala, Finance Road, P. Burgos, kanan ng Bonifacio Drive hanggang Port Area.

Ang abiso ng MMDA ay para na rin sa lahat ng truck drivers upang hindi magkaroon ng kalituhan ang mga ito.