Patay ang isang driver habang sugatan ang misis at anak nito matapos mahulog sa creek ang minamanehong trailer truck sa Barangay Kaylaway, Nasugbu, Batangas kamakalawa.

Batay sa report, sakay ang mag-anak na sina Fernando Corpuz Sr., driver; asawang si Daisy at anak na si Fernando Jr., 12, sa tractor head na may plate number ATA 7053 at may kargang tone-toneladang steel products.

Galing sa North Harbour, Tondo, Manila ang truck at patungong Calaca, Batangas subalit pagsapit sa pababang bahagi ng highway sa Nasugbu ay nawalan ito ng preno at nahulog sa creek.

Sa lakas ng impact ay naipit ng mga bakal ang driver na naging sanhi ng agarang pagkamatay nito, suwerteng nakatalon naman sa sasakyan ang anak samantalang naipit din sa loob ang misis na nakaligtas.