Nabaon ang likurang gulong ng isang 22-wheeler truck na may kargang buhangin sa gumuhong bagong gawang kalsada ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Quezon City nitong Sabado nang umaga.
Base sa ulat, maghahatid sana ng kargang buhangin sa Cavite ang truck na minamaneho ni Ron Roque nang biglang tumagilid ang kanilang sasakyan pagdaan sa isang bahagi ng N. S. Amoranto St., Quezon City bandang alas-9:00 nang umaga.
Dahil hindi na maiahon ng drayber ang truck ay bumaba ito ng sasakyan upang alamin kung ano ang dahilan at doon nakita niyang nakalubog na ang hulihang bahagi nito sa nag-collapse na sementadong kalsada.
Nabatid sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kagagawa lang ng nasabing kalsada.
Dahil sa pangyayari, isinara muna sa mga motorista ang kalye sa N.S. Amoranto corner Banawe St., hanggang sa kalye ng Biak na Bato habang pinagtutulungan pang maiahon ang lumubog na truck.
Wala namang iniulat na nasaktan sa nangyaring insidente.