Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pilit isinasalba ni United States President Donald Trump ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang pagharap sa mga local executive sa SMX Convention Center sa Pasay City.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na sinusubukan ng mga opisyal ng Amerika na huwag maibasura ang VFA pero nanindigan ito sa kanyang desisyon.
Binigyang-diin ng Pangulo na bastos ang Amerika dahil masyadong maliit ang tingin sa Pilipinas at pinanghihimasukan ang mga panloob na isyu ng bansa.
“I’ll make it public. Si Trump pati ‘yung others are trying to save the Visiting Forces Agreement. Sabi ko ayaw ko. One is that, napakabastos ng Amerikano. Talagang sobrang bastos. O, kayong mga CIA diyan na nakikinig ngayon, mga amboy mga p***** ina, sabihin ninyo ‘yung gobyerno ninyo bastos kayo,” anang Pangulo.
Inilahad ng Pangulo na ginawang panakot ng Amerika sa gobyerno na hindi makakatanggap ng ayuda kapag hindi pinalaya si Senadora Leila de Lima, at lahat ng mga may kinalaman sa pagpapakulong dito ay hindi papapasukin sa Amerika.
“Imagine demanding the release of de Lima and the threat that we will not receive the aid at may colatilla that all persons who have had a hand in the imprisonment of de Lima will not be allowed to go to the United States,” dagdag ng Pangulo.
Kung tutuusin ayon kay Pangulong Duterte, matagal nang kaalyado ng Pilipinas ang Amerika, subalit wala namang nagawa ito para malutas ang problema sa mga komunista dahil kahit may Balikatan exercises sa bansa at may military trainings, binibitbit pa rin ng mga ito ang dalang armas pag-uwi sa Estados Unidos.
“We have been fighting the communist for 53 years, kung nakatulong talaga ang Amerika, p***** ina hanggang ngayon, it is just a matter of weaponry, but wala namang ibinibigay. Ang training dito, may Balikatan. After the training, they go home with their armaments. They do not leave it with us. At kung bumili ka sa kanila, mahal,” wika ng Pangulo.
Naiintindihan aniya nito kung ayaw ng mga opisyal sa Philippine Military Academy na kanselahin ang VFA dahil mawawala na rin ang ibinibigay na training at biyahe sa Amerika para sa mga ito. (Aileen Taliping)