Trust rating ni PDu30 excellent pero gumewang sa masa

Napanatili ni ­Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang “excellent trust rating” sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weathaer Stations (SWS).

Base sa first quarter survey ng SWS ngayong taon, nasa 80 porsiyento ng mga Pinoy ang may “much trust” kay Duterte, 11 % ang undecided, at 10 % ang may “little trust.”

Dahil dito ay naitala sa “excellent” sa +70 net trust rating ang ­Pangulo kumpara sa +72 na kanyang nakuha noong ­Disyembre 2016.

Isinagawa ang survey nitong Marso 25-28 sa pamamagitan ng face-to-face interview sa may 1,200 mga Pinoy na nasa tamang edad sa buong bansa.

Matatag naman ang trust rating ni Duterte sa class ABC na umakyat sa ‘excellent’ mula sa dating ‘very good’ na tumaas ng 16 puntos at naging +75. “Excellent” o +71 naman sa Class D o “masa,” pero nabawasan ng walong puntos at “very good” +64 sa Class E.