Tsansa ng SMB, Austria sa ‘twice to beat’ malaki pa

Buhay pa ang tsansa ng San Miguel Beer sa twice-to-beat bonus sa quarterfinals ng PBA Governors’ Cup.

Pinahaba ng Beermen ang streak sa apat nang butatain ang Rain or Shine, 109-97, sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna, Sabado ng gabi.
Angat sa 6-4 ang San Miguel, isang laro na lang sa likod ng third placers Alaska, Phoenix at Blackwater na pare-parehong 7-3.

Tatapusin ni SMB coach Leo Austria ang eliminations kontra Meralco (4-6) sa isa pang Petron Sa­turday Special sa Nov. 3 sa Smart Araneta Coliseum.

Kinuha ng Beermen ang trangko, 59-55, sa break bago unti-unting kumalas, pinakamalayo sa 95-77 sa bukana ng fourth.

Hangga’t maaari ay iiwas ang SMB sa Nos. 5-8 para hindi masuong sa handicap na win-twice laban sa Nos. 1-4.

“We need a late push for the playoffs,” diin ni San Miguel guard Alex Cabagnot, nagsumite ng 24 points at 8 rebounds kontra Elasto Painters.

Pinangunahan ng 28 points ni Kevin Murphy ang Beermen, nagsumite si Christian Standhardinger ng 22 points at 18 rebounds.