Buking ang isang Chinese national nang tangkain nitong ideposito ang 389 piraso ng pekeng tig-US$100 katumbas ng halos P2-milyon sa isang banko, sa Malate, Maynila kahapon ng umaga.

Isasailalim sa inquest proceedings ang suspek na si Wong Kwok Ming, nanunuluyan sa Room 2111 Iris Tower, Tivoli Gardens, Mandaluyong City.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO2 James Poso ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) naghain ng reklamo ang mga kinatawan ng Land Bank of the Philippines-Malate Branch na may sangay sa MH Del Pilar at Quintos Sts., Malate matapos madiskubre, na peke ang mga dolyar na idinedeposito ng suspek alas-9:20 ng umaga at ipi­naalam sa bank manager.

Nabatid na nasa US$50,000 umano ang idedeposito ng suspek at 389 pa lang ang nailatag kung saan dalawang pira­so lamang 100 dollar bill ang tunay.