Pinigil ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)­ terminal 2 ang isang Chinese national matapos itong magdala ng high-valued items kabilang ang ipinagbabawal na skimming device kahapon.

Idinelara ni Wu Hongsheng, 33, na bags at RTWs ang laman ng 37 kahon na dala nito makaraang dumating lulan ng Philippine Airlines flight PR383 mula sa Guangzhou, China.

Ayon kay District II collector Ed Macabeo, isang frequent traveler sa Manila si Wu ay halos isang beses sa isang linggo dumarating sa bansa mula sa China.

Iniutos na ni Macabeo­ na kumpiskahin ang naturang mga bagahe na kinabibilangan ng Tory­ Burch sandals, Fendi shoes, Louis Vuitton bags, Asus laptops, cellphone accessories, e-cigarette device at hindi pa mabilang na credit card at ATM (automated teller machine) na may Chinese markings at skimming devices.

Ayon kay Macabeo, naka-pokus ang kanyang distrito sa skimmers dahil paminsan-minsan ay nakaka-intercept sila sa NAIA arrivals ng isa hanggang tatlong skimmers na dala ng pasahero mula sa China.

Kadalasan umano ay mahigpit na binabantayan o mino-monitor ang mga Chinese passengers lalo na ng muling manumbalik ang x-ray machines sa pangunahing paliparan ng bansa.

Dagdag pa ni Macabeo, plano nilang tanungin ang mga bangko tungkol sa skimming device na nakadisensyo para makakuha ng bank card information at posibleng makapag-withdraw mula sa ATM machines.

Kasadalan, ayon pa kay Macabeo, ginagamit ang skimmers sa mga casino.