Masaklap ang sinapit ng isang 22-anyos na dalaga na halos buong araw nasa kulungan nang maaresto ng mga tauhan ng Barangay Public Safety Officer (BPSO) pero nang makalaya kinagabihan ay pinagbabaril at napatay ng riding-in-tandem sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktima na si Jerica Ang y Puno, ng No. 44 Sampaguita St., Brgy. Holy Spirit, ng nasabing lungsod makaraang magtamo ng tama ng bala sa ulo matapos na barilin ng isa sa tatlong lalaki na sakay ng tig-isang motorsiklo sa QC.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jerome Dollente ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), alas-11:45 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Commonwealth Avenue sa harap ng isang simbahan.
Lumilitaw na bago ang pamamaslang sa biktima ay nakulong ito kasama ang live-in partner na si Toto Sarmiento dahil sa umano’y pagkakasangkot sa iligal na droga kaya kinagabihan ay pumunta ang ama ng biktima sa barangay hall at inasikaso ang paglaya ng dalawa.
Pauwi na umano ang biktima kasama ang ama at live-in partner at naghihintay nang masasakyang jeepney nang dumating ang dalawang suspek at binaril sa ulo ang biktima, habang tumakbo ang mga kasama.