Isang Tsinoy na hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuang patay sa isang tulay sa kahabaan ng Road 10 sa Tondo, Maynila pasado ala-una ng madaling-araw kahapon.

Nakilala ang biktima na si Jaime Ong Bayaca, 40-anyos, tubong Nueva Vizcaya at naninira­han sa Malolos, Bulacan batay sa isang passport at NBI clearance na nakuha sa kanyang bag.

Nagroronda umano ang tanod na si Roque Denero ng Barangay 128 Zone 11, Balut, Tondo nang makita ang bangkay na may karatula pang nakasabit sa leeg at nakasulat ang “DRUG LORD AKO (Chinese).”

Sa pag-iimbestiga sa bangkay ng biktima, binigti umano ito ng alambre at may mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago itinapon sa lugar.

Samantala, dead on the spot naman ang tatlong lalaki, kabilang ang isang pulis, nang maki­pagbarilan umano sa mga pulis sa isang buy-bust operation sa Taguig City kahapon ng madaling-araw.

Nakilala ang mga nasawi na sina PO3 Leonilo Quiambao, 37, nakatalaga sa National Capital Regional Police Office (NCRPO), ng Bry. Katuparan, Taguig; Byran Oli­veros, 40, ng GHQ Village sa nabanggit na barangay; at Edwin Reyes, 46, ng Santo Tomas, Nueva Ecija.

Nasugatan din sa insidente ang pulis na si PO2 Alvin Taduyo matapos itong mabaril sa kaliwang paa at dinala sa Taguig-Pateros District Hospital.