‘Tsoke’ sinikwat ang APOY Award

noli-cruz-all-n

Gumawa na naman ng marka sa kasaysayan ng poker sa Pilipinas ang billiard prodigy-turned-poker professional na si Mike “Tsoke” Takayama.

Sa Oktubre 4 ay opisyal na igagawad kay Takayama ang prestihiyosong Asia Player of the Year (APOY) trophy bilang pagkilala sa kanyang husay sa larangan ng poker.

Si Takayama ang unang Pinoy na nakasikwat ng nasabing award.

Talaga namang mainit ngayong taon ang ating APOY. Katunayan ay napakalayo ng lamang niya sa kanyang mga karibal sa tropeo.

Merong naipon na 10,230 puntos si Takayama ngayong season habang ang pumangalawa na si Alexis Lim ay meron lamang 5,931 puntos at ang pumangatlo na si Richard Marquez ay merong 5,300 puntos.

Kapwa Pinoy rin sina Lim at Marquez kaya malinaw na taon ng Pinoy ngayon sa Asian poker scene.

Nitong nakaraang Hulyo ay gumawa rin ng kasaysayan si Takayama matapos maging unang Pinoy na nanalo ng World Series of Poker bracelet sa Las Vegas, Nevada. Patunay ito na hindi lamang pang-Asya ang level ng poker skills niya.

Bihira ang Pinoy na may world-class talent sa magkaibang lara­ngan. Hindi na naman lingid sa ating kaalaman na world-beater din sa bilyar si Takayama.

Sinibak na niya sa malalaking torneo noong teenager pa lamang siya ang mga world champ na katulad nina Alex Pagulayan, Ronnie Alcano at Dennis Orcollo.

Maraming umiidolo kay Takayama sa lara­nga ng poker. Panahon na siguro na i-recognize ng mga kinauukulan ang kanyang talent para lalo pa siyang makapagbigay ng inspirasyon sa maraming Pilipino.

Sa ngayon ay kulang pa sa exposure ang poker dito sa ating bansa pero umaasa tayo na sa pamamagitan ng tagumpay ni Takayama ay magkaroon ng mas malawak na coverage ang mga malalaking poker event na ginaganap dito sa ating bansa at pati na rin ang mga mala­laking event na nilalahukan ng ating mga kababayan sa iba­yong dagat.