Tsugian sa ‘ASAP’ namumuro sa pag-entra ni Regine

tonite-pak-allan-dionesWala si Regine Velasquez-Alcasid sa “ASAP” this coming Sunday, pero sa November 18 ay opisyal na siyang iwe-welcome bilang pinaka­bagong host ng show.

Ayon kay Songbird, sinabi sa kanya ng ABS-CBN boss nila na si Tito Deo Endrinal na iniisip na talagang i-reformat ang 23-year-old Sunday musical variety show last year pa.

Naghahanap lang daw ng magandang pagkakataon ang “ASAP” at since papasok na nga siya sa show ay isasabay na ang pagre-reformat.

Sey namin kay Ms. Reg, ‘pag may reformatting na nagaganap, kadalasan ay may mga natsutsugi o nababawas sa mga dating miyembro ng show.

“Actually, hindi ko alam. Pero sana, hindi. Parang mai-stress ako ‘pag may natanggal. Sana hindi.

“Pero sa ngayon kasi, I feel like I’m still starting although I’ve worked with a lot of people there before. But siyempre, after a long time of not working with them, nanganganay ka pa nang konti.

“I feel like medyo ayoko munang mag-ask ng kung anu-ano, kasi nahihiya pa ako. Siyempre, I’m still trying to feel my way in. But I’m hoping na walang matanggal,” bulalas ni Songbird nang makausap namin sa mediacon ng concert series niyang “Regine at the Movies”.

Dugtong niya, “Parang nu’ng pinresent naman sa akin, parang wala naman (matatanggal sa show).”

But if ever man na may mga mababawas nga sa “ASAP”, hindi naman niya kasalanan ‘yun, ‘di ba?

“Kaso, hindi naman titingnan ng ibang tao ‘yon na gano’n. So, parang ang hirap lang. Sana hindi, sana wala.”

Challenging and at the same time ay exciting daw for Regine ang pagpasok niya sa “ASAP”, na sinasabing isa na siya sa magiging poste ng show pati na si Sarah Geronimo.

Sey niya, hindi naman sila dahil nandu’n pa rin ‘yung iba. Ang dami lang nilang puwedeng gawin ngayon ni Sarah at makikita na sila performing together.
***

Vice naglihim kay Songbird

Nalaman namin from Regine na magsasama sila ni Vice Ganda sa Valentine concert sa Araneta Coliseum next year.

Nu’ng Sunday night ay in-announce nila ‘yon ni Vice sa part 2 ng guesting ni Reg sa “GGV”. Bale 2 nights ‘yon, sa February 15 & 16.

Two years in the making daw ‘yon, na dahil magkaiba sila ng network ni Vice ay hindi natutupad. Ngayong Kapamilya na siya ay posible na lahat at tuloy na ito.
Ang sabi raw sa kanya ni Vice ay iwan muna niya ang dyowa niyang si Ogie Alcasid sa Valentine’s at iiwan din muna ni Vice ang dyowa nito.

Sino bang dyowa ni Vice? Naipakilala ba nito sa kanya?

“Kilala ko ba? Ha! Ha! Ha! ‘Hello, Vice?!’ Ha! Ha! Ha! Hindi ko alam!” tumatawang iwas ni Songbird sa tanong namin.

Bilang close sila, baka naman na-meet na niya ang dyowa ni Vice, huh?

“Nako, mapaglihim ‘yung baklang ‘yon!”

Pero sinabi ba sa kanya ni Vice na meron itong dyowa?

“I’m sure, may dyowa ‘yon! Blooming ang ate mo, ano ka ba?!” hirit sa amin ni Reg.

Anong concept ng Regine-Vice V-Day concert?

“Parang music and fashion. ‘Yun pa lang ‘yung naiisip ko, hindi pa ‘yun ang totoong concept. Pero I suppose music and fashion!”

***

Daniel brinaso sa concert

Iba-iba ang guest sa tatlong gabi ng “Regine at the Movies” sa New Frontier Theater (dating Kia Theatre) na magkakaiba rin ang repertoire.

Si Piolo Pascual sa November 17, si Sharon Cuneta sa Nov. 24 at si Daniel Padilla sa Nov. 25, na panay first time ever magiging guest ni Songbird sa kanyang concert kaya excite siya.

Theme song ng movie nila na “Paano Kita Iibigin?” ang idu-duet nina Regine at Papa P. Kay Mega ay medley ng Sharon movie theme songs ang aawitin nila. Kay Daniel ay hindi pa alam ni Ms. Reg kung anong idu-duet nila.

‘Katuwa ‘yung tsika ni Songbird na nilapitan niya mismo si Daniel after ng show nila sa Sydney at pinakiusapan kung puwede itong mag-guest sa concert niya.

Umoo raw kaagad ang binata, pero nauna na niyang makausap ang madir nito na si Karla Estrada tungkol sa guesting na ‘yon.

Nakarating daw kay DJ ‘yung mga papuri niya rito at very flattered daw ang Kapamilya heartthrob.