Tsukii naghihintay sa Olympic Qualifying

HABANG naghihintay sa pormal na pagsisimula ng mga itatakdang Olympic qualifier ng World Karate Federation ay tulong muna sa pagpo-promote ng kanyang kinagigiliwang sports ang karateka na si Junna Tsukii.

Kailangan na lamang ng mahigit na 1,000 Olympic Qualifying points para manguna at umasa na masungkit ang silya para sa Continental representation, pansamantalang magtuturo at magsasagawa si Tsukii sa mga online seminar nitong inihahanda para makatulong sa kanyang pagsasanay at pag-asam na makalusot sa Tokyo Olympics.

“I decided to hold a karate online seminar … because I want [to help] children who can’t do karate [due] to financial and environmental difficulties,” sabi ni Tsukii sa kanyang Facebook post.

Isa sa mga pambansang atleta na nagtatangkang makasungkit ng kanilang tiket sa nausog na 2020 Tokyo Olympics, nais din ni Tsukii na maibahagi ang mga naitutulong sa kanyang kampanya ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pagbibigay ng libreng pagtuturo sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.

“We will practice [in] English and Japanese so that people from overseas can participate,” sabi ni Tsukii, habang nakisali sa popular na online teaching na ginagawa din ng ibang atleta sa buong mundo upang maibahagi ang kanilang mga kasanayan sa kalagitaan ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Sisimulan ng 28-anyos na Filipino-Japanese karateka ang serye ng online instructional sessions ngayon, Linggo, sa ganap na alas-9 ng umaga gamit ang kanyang Instagram page (@junnatsukiiv888).

Sinabi ni Tsukii, na isang Asian Games bronze at Southeast Asian Games gold medalist, na ituturo niya ang mga taktika sa general karate at kumite “that can be enjoyed by one person.” (Lito Oredo)