Agad naglabas ng tsunami alert ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) dahil sa pagtama ng magnitude 7.2 na lindol kaninang alas-4:23 ng umaga sa Mindanao.

Pero agad din itong binawi kaninang alas-7:00 ng umaga matapos makapagtala ng dalawang beses na paglaki ng alon sa baybayin ng Davao Occidental.

Sa monitoring ng Philvocs, naitala ang pagtaas ng alon sa kaninang 4:28 at 5:23 ng umaga pero hindi naman ito nagdulot ng pinsala.

Ang epicenter ng lindol ay tumama sa 50 kilometro timog-kanluran ng Sarangani, Davao Occidental at may lalim na 57 kilometro mula sa lupa.

Pinayuhan ng mga otoridad ang publiko na lumayo muna sa mga beach sa Davao Occidental para sa kanilang kaligtasan.

Naramdaman ang Intensity 5 na pagyanig sa General Santos City, Koronadal City, Santa Maria, Balot Island at Don Marcelino.

Intensity 5 rin ang naramdaman sa South Cotabato partikular nsa mga bayan ng Polomolok at Tupi.

Sa Saranggani, Intensity 5 rin ang naramdamang pagyanig sa mga bayan ng Glan, Malapatan at Alabel.

Sa Davao City, Cotabato at Zamboanga ay nakaramdam ng Intensity 4 at Intensity 3 sa Cagayan De Oro City.

Simula kaninang umaga as of (11:00am) hindi bababa sa limang mahihinang aftershocks ang naramdaman sa Davao Occidental kasunod ng tumamang magnitude 7.2 na lindol.

Babala ng Phivolcs, may panaka-nakang pagyanig pa dahil sa aftershocks at inaalam pa kung gaano kalawak at kalaki ang pinsala ng lindol.