Tubig sa Angat dam tumaas ng 3 metro

Tubig sa Angat tumaas na

Tumaas ng 3 metro ang tubig sa Angat Dam resulta ng pag-ulan hatid ng Bagyong Ambo.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nasa 190.19 meters na ang water level sa Angat Dam na matatagpuan sa Norzagaray, Bulacan.

Mula noong ikalawang linggo ng buwan ng Enero ay tuloy- tuloy ang pagbaba ng tubig sa Angat Dam dahil sa kawalan ng ulan at nitong buwan ng Abril ay lalo itong bumaba dahil sa nararanasang sobrang init at mataas na demand ngayong summer.

Noong nakaraang Biyernes ay nasa 187 meters ang water level sa Angat.

Sinabi ng PAGASA na bagamat mababa pa rin sa 210 hanggang 212 meters na normal water level ang Angat Dam ay tiyak namang makakasapat na ang 190 meters na kasalukuyang supply nito ngayong summer season at para na rin sa pangangailangan sa irigasyon.

Samantala dahil sa mataas na demand sa tubig, itinaas ng National Water Resources Board(NWRB) sa 48 cubic meters per second o 4,147 million liters kada araw ang supply ng tubig para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System.

Ipinaliwanag ng NWRB na dinagdagan nila ng 2 cubic meters mula sa dating 46 cubic meters ang supply sa water concessionaire dahil na rin sa mataas na demand.

Ang dagdag na alokasyon umano ay ipatutupad ngayong sa pagtatapos ng buwan ng Mayo.

“The additional 2 cubic meters per second raw water alllocation from Angat Dam was intended to meet the demand of consumers in Metro Manila, and adjacent provinces of Bulacan, Rizal, and Cavite during the national health emergency arising from the COVID-19 pandemic”paliwanag ng NWRB.

Bagamat may sapat pang water supply para sa mga residente ng Metro Manila, nanawagan pa rin ang NWRB na ugaliin ang pagtitipid ng tubig. (Tina Mendoza)