Tubong lugaw

Lalong lumakas ang protesta laban sa pitong medical clinics na sinasabing nagmomonopolya ngayon ng medical at physical tests para sa mga OFW-applicants sa Kuwait.

In particular ay mainit ang pagtuligsa sa Winston Q8 Certification Solutions, Inc. na siyang nagsesertipika umano sa pitong clinics. Ito rin daw ang siyang tumatabo ng malaking halaga mula sa mga pobreng kababayan natin.

Ang isyu laban sa Winston Q8 ay ang P8,400 na sobra sobra. Mahigit kumulang ay 300 percent sa medical test fees ceiling na itinakda ng Department of Health (DOH) ang sinisingil nito sa mga nagpapamedical test.

Labag sa batas

Wala rin daw malinaw na resibong iniisyu sa mga nagpapa-medical test maliban sa deposit slip ng isang bangko na tumatanggap ng payment.

Ang Kuwait ay kasama dati sa mga Middle East countries na ang medical tests ng expat workers ay sanctioned ng GAMCA (Gulf Approved Medical Clinics Association). Ito ay nauna nang binansagan ng mga mambabatas na isang cartel.

Ang operasyon ng GAMCA at ng Winston Q8 ay malinaw na labag sa Amended Migrant Workers’ Act. Dito kasi ay sinasabing hindi dapat magkaroon ng monopolya ang sinuman sa pagpo-provide ng medical tests sa OFW-applicants.

Deposit slip

Ang operasyon ng Winston Q8 at pitong accredited clinics nito ay nagsimula noong August 8.

Ang siste raw ay magbabayad muna sa bangko ang magpapa-medical test. Pagkatapos ay ipai-scan ang deposit slip at iba pang dokumento sabay submit online sa Winston Q8.

Tulad ng GAMCA, ang Winston Q8 ay nagsisilbing decking system lang. Practically ay tumatayong middle men lang o “broker” ang dalawang organisasyon na yan.

Namumursyento

Dagdag-gastos lang ang GAMCA at ang Wins­ton Q8 dahil imbes na medical clinics lang ang babayaran ng aplikante ay namumorsyento pa ang dalawang grupo.

Kung talagang susundin ang ating mga batas, ang lahat ng medical clinics na accredited ng ating Department of Health (DOH) ay puwede dapat mag-provide ng medical tests sa OFW applicants.

Sa kaso ng Winston Q8, lampas na lampas sa P2,500 na payment ceiling ang sinisingil nitong P8,400 kaya tubong lugaw ang mga nasa likod nito.

Follow Me on Twitter @beeslist. Kung may ipinagsisintir, tumawag sa 551-5163 o mag-email sa usapang_ofw@yahoo.com.