Kung dapat managot ang mga dating opisyal ng Department of Transportation (DOTr), kailangan din na bigyan ng leksiyon ang mga kasalukuyang opisyal ng ahensiya na bigong maayos ang mga aberya sa operasyon ng Metro Rail Transit-Line 3 (MRT-3).
Ito ang binigyang-diin ni Senadora Grace Poe dahil hindi dapat maghugas kamay ang mga kasalukuyang opisyal ng DOTr sa mga aberyang dinaranas sa operasyon ng MRT at ipasa sa mga tauhan at dating opisyal.
“Para sa akin, hindi lamang ‘yung mga maliliit ang dapat parusahan kung hindi ‘yung mga namumuno sa kanila kaya sabi ko nga kung magkakaroon ng pagdinig, hindi lamang public services, ibig sabihin ‘yung mismong pagpapatakbo ng mga tren ang ating iimbestigahan kung hindi ‘yung mismong responsibilidad ng mga namuno noon at ngayon kaya nga dapat blue ribbon kasama diyan,” diin ni Poe.
“Kasi akalain mo araw-araw makikita mo ang mga nakapila, naglalakad, nag-a-unload, ang tagal-tagal ng kanilang pagdurusa na diyan tapos aba ‘yung iba nagpapakasasa pa rin, walang mga kaso,” dagdag ng Senadora.
Sinabi din ni Poe, chair ng Senate Committee on Public Services, na ang pagbibitiw ni Cesar Chavez bilang undersecretary for rails ay indikasyon na may problema talaga sa liderato ni Tugade.
Ayon kay Poe, kung totoo ang mga sinasabing rason ni Chavez sa kanyang pagbibitiw ay walang aasahang maayos na serbisyo mula sa DOTr na namamahala ngayon sa operasyon ng MRT.
“Usec. Chavez’s reasons if true are worrisome. If there is no harmony or clear leadership from the top in the DOTr, how can we expect them to deliver on all their proposed projects, upgrades and development plans,” litanya ni Poe.
Aminado naman si Poe na hindi nila mapipilit ngayon si Tugade na magpaliwanag sa resignation ni Chavez maliban na lamang kung magsasagawa sila ng Senate hearing.
Gayunman, ang pagdinig aniya para rito ay posible lamang nilang itakda matapos ang kanilang mga pagtalakay sa mga priority bill ng Senado.