Tugade dapat ka nang kalusin-Poe

Grace-Poe

Hanggang ngayong buwan ng Pebrero na lang ang ibinigay na deadline ni Senador Grace Poe kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade para ayusin ang serbisyo ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3.

Sinabi ng senador na kaugnay ito sa pangako ng Kalihim na ngayong Pebrero ay mararamdaman na ang maayos na sistema ng MRT-3 dahil darating na ang mga inorder nilang spare parts.

“Talagang lahat tayo inip na inip na pero ang siguro magiging deadline natin kay Secretary Tugade ay ‘yung by February ay gagaan na dahil darating na ‘yung mga parts ‘pag hindi pa rin sa tingin ko may problema na tayo at pag-usapan na natin ang iba pa diyan,” ayon kay Poe.

Sinabi ni Poe na isa sa kanyang nakikitang problema ay ang kawalan ng ekspertong namumuno sa ahensiya.

“Ang problema talaga kapag ang namumuno ng isang korporasyon o isang bagay ay hindi naman masyadong naiintindihan ang kanilang pinamumunuan. Binigyan natin sila ng pagkakataon ng ilang buwan dahil bago lang, pero ‘yan nga ang sinasabi ko halimbawa ang MRT dapat ang namumuno ay isang engineer,” giit ng senador.

Posible rin anyang dapat ikonsidera na ng DOTr ang pagsasapribado sa MRT-3 bilang long-term solution sa problema subalit dapat magkaroon ng limit sa pasahe.

Samantala, inihayag naman ni Senador Joseph Victor ‘JV’ Ejercito na dapat itigil na ang paninisi sa nakalipas na administrasyon sa problema ng MRT-dahil dapat sa ngayon ay mayroon na silang sariling mga hakbangin upang maresolba ito.

“We can’t go on blaming on the past, hindi puwedeng dalawang taon na sila ay naninisi pa rin ng nakaraang administrasyon. Alam natin given na ‘yun lahat nagsimula noong nakaraang admin, pero sana nagawan na ito ng solusyon,” giit ni Ejercito.

Maari rin aniyang pag-aralan ang pagkakaroon ng isang araw bawat linggo na tigil ang operasyon ng MRT-3 para sa maintenance operation nito. (Dang Samson-Garcia)