Tugade puro pakulo sa libreng sakay sa MRT

Hindi nagustuhan ng ilang mambabatas at tinawag pang puro pakulo na lang ang ginagawa ng tanggapan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na libreng sakay sa bus ng mga pasa­herong apektado kapag nagkakaroon ng aberya ang Metro Rail Transit (MRT) Line 3.

“Almost two years nang nakaupo ang bagong pamahalaan at puro upon a lang ang ginagawa sa problema sa MRT,” komento ni Akbayan Party-list Rep. Tom Villarin­ sa libreng bus na inarangkada ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tinawag na ‘Alalay sa MRT-3’.

Sinimulan kahapon ang deployment ng mga bus sa MRT stations gaya ng North EDSA at Taft Avenue para may iba pang opsiyon na masasakyan ang mga pasahero habang inaayos di umano ng DOTr ang problema sa MRT-3.

Pero, iginiit ni Villarin na pangmatagalang solusyon at hindi teka-teka ang kailangang lunas ng mga pasahero.

“Mukhang ayaw ng mga pasahero ang band aid solution saNmatagal nang problema ng MRT. Hindi libreng bus ride kundi agaran at consistent MRT train system ang kahilingan ng mga pasahero. Hindi alalay kundi maayos at tumatakbong bagon ng tren ng MRT ang gusto ng pasahero,” giit ng mambabatas.

Sang-ayon si Ifugao­ Rep. Teddy Baguilat sa punto ni Villarin at iginiit na kung maayos ang serbisyo ng MRT ay balewala na ang mga pakulo gaya ng libreng sakay.

“‘Di siguro kakaila­nganin na ng ‘Alalay sa MRT’ kung ayusin nila ang serbisyo mismo ng MRT. More than a year na mula ng na­ngako itong administrasyon na aayusin ang trapiko at MRT, hanggang ngayon eh palagi pa din breakdown ang mga tren. Kaya palliative lang ‘yung ‘Alalay sa MRT’ kahit good intentions,” hirit ni Baguilat.

Sa panig naman ni Anakpawis Party-­list Rep. Ariel Casi­lao, iginiit nito na walang problema kung maglapat ng ibang solusyon ang gobyerno, pero ang pinakaimportante aniya ay dapat ang pamahalaan na mismo ang magmando sa pagmamantine ng MRT-3 at huwag nang ipaubaya sa pribadong kontraktor.

“Ok lang na mag-pull ng resources ang other­ agencies of the government to address the problems sa MRT…so long as the para­meters and objective is clear in setting up measures, mechanisms to ensure permanent solution. DOTr should solely focus on government efforts, plans and totally abandon its plan in bidding out the maintenance operation to other private entities,” pahayag ni Casilao.

Tuloy ang aberya

Kahapon ng umaga ay tatlong ulit nagkaaberya ang MRT-3 at kinailangan ulit na pababain ang mga pasahero.

Sa abiso ng MRT-3, pasado alas-nuwebe ng umaga nang magkaaberya ang isa nilang tren sa southbound ng GMA Kamuning Station dahil sa technical problem.

Makalipas ang anim na minuto o dakong alas-9:06 ng umaga ay pinababa muli ang mga pasahero sa southbound ng Ortigas Station dahil sa naturang problema pa rin.

Dakong alas-10:59 ng umaga muling nagkaroon ng aberya ang isa pang tren sa southbound ng Buendia Station dahil din sa technical problem. (With Edwin Balasa)