Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte  ang mga airport officials pati na si Transportation Secretary Arturo Tugade na sisibakin sa puwesto kapag may mabalitaan pang  mga bagaheng ninakawan sa mga paliparan.

Sinabi kahapon ng Pangulo na ipinatawag niya  si Tugade kasama ang mga opisyal ng Manila International Airport Authortiy (MIAA), mga manager ng  Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Clark International Airport at mga airport police matapos mapanood sa telebisyon  ang ginawa sa bagahe ng mag-asawang umuwi sa bansa.

Hindi nagustuhan ng Pangulo ang napanood sa tv kayat binalaan si Tugade at airport officials na sisibakin ang mga ito kapag may naulit pang ganitong insidente.

“Kanina ipinatawag ko sila. Sinabi ko sa manager , yan dalawa, infront of Tugade I said, ‘a similar  and one more incident  and all of you will go”. Look for another job. Be sure na walang zipper mabukas diyan,” ang pahayag ng Pangulo.

Nagsimula ang reklamo sa mga binubuksang bagahe noong holiday season kung saan ang mga nabiktima ay mga balikbayan at overseas filipino workers (OFWs)

Kung hindi laslas ang bagahe ay sinisira ang zipper at kinukuha ang mga maaring mapakinabangan.

Pinakahuling insidente ang  bagahe ng ofw sa Clark International Airport na halos walang natira dahil ninakaw ang mga ito.

Anim na empleyado ng MIASCOR Aviation Service na nakatalaga sa Clark ang sinuspende dahil sa umano’y pagnanakaw sa bagahe ng isang Jovenil dela Cruz ng Pandi, Bulacan.

Binayaran naman ng MIASCOR si Dela Cruz ng P84,000, bilang katumbas na halaga ng mga gamit na nawala sa bagahe nito.

Hindi pa nabigyan ng ultimatum ni Pangulong Duterte si Tugade sa malimit na pagtirik ng MRT-3 pero sa pagnanakaw ng bagahe ng balikbayan at OFWs ay tila napuno na ang Pangulo.