Tuhod lumagutok, Murray sasailalim sa MRI

Isang linggo bago ang umpisa ng 2018-19 season, inabot na ng injury scare ang San Antonio Spurs.

Lumagutok ang tuhod ni starting point guard Dejounte Murray bago bumagsak sa court sa 108-93 preseason loss ng Spurs kontra Houston Rockets nitong Linggo.

Sasailalim sa MRI si Murray ngayong araw.

Rumaragasa sa fast break si Murray, pa-drive sa basket laban kay Rockets guard James Harden nang bumigay ang tuhod.

Namimilipit sa sakit si Murray, pero tumanggi nang isasakay sa wheelchair para ilabas. Pinalakpakan siya ng San Antonio crowd nang tumayo mag-isa. Pinagpag muna ni Murray ang paa sa harap ng Spurs bench bago pumasok ng locker­ room.

Malaking papel ang gagampanan ni Murray sa rotation ni coach Gregg Popovich dahil ang third-year guard ang kumuha ng starting point guard job mula kay Tony Parker noong nakaraang season. Nasa Charlotte Hornets na si Parker.

Pangalawang injury na ito sa Spurs sa hu­ling dalawang preseason games din. Unang inabot ng torn cartilage sa kanang tuhod si rookie Lonnie Walker IV at anim na linggong mawawala.
Umiskor si Harden ng 21 para pangunahan ang pitong Rockets na may double figures.