Sa sagaran at dikdikang laro, nangibabaw ang mas matibay na tuhod ng San Miguel Beer.

Tukod na ang Beermen at Ginebra sa haba ng laro, pero sa dulo ay mas marami palang natirang gas sa tangke ng hukbo ni Leo Austria para sapawan ang Gin Kings 111-105 sa double overtime nitong Linggo sa Mall of Asia Arena.

Sa pangunguna nina Arizona Reid at June Mar Fajardo, tinakasan ng SMB ang never-say-die Gin Kings na makailang beses umahon sa regulation at first overtime.

Sa loob ng 46 mi­nutes, nakapag-produce si Reid ng 26 points, 16 rebounds at five assists.

May double-double si Fajardo na 17-17, may 14 pataas pa sina Marcio Lassiter, Alex Cabagnot at Ronald Tubid. Solido ang game ni Arwind Santos sa dineliber na nine points, five rebounds at tig-isang assist, steal at block sa unang salang matapos abutin ng knee injury bago ang season-ending conference.

Umiskor ng anim si Reid sa second OT, tig­dalawa sina Lassiter at Tubid.

Naupo na si Ginebra import Justin Brownlee sa final 1:42 ng second extra period dahil sa cramps pero tumapos pa rin ng game-highs 38 points at 22 rebounds. Nagdagdag si LA Tenorio ng 17, may 16 si Joe Devance sa Gin Kings na naputulan ng three-game winning streak at natengga sa 4-2.

Angat ang Beermen sa 4-1 katabi ang Mahindra sa No. 2 sa likod ng TNT KaTropa (5-0).

Sa third period lang ay mukhang naikahon na ng SMB ang panalo nang dumistansiya 71-47, at muli sa first OT 98-89.

Pero may ibang plano ang Ginebra para sa 12,423 paying patrons na naging saksi sa double header na parehong inabot ng double OTs. Ayon kay chief statistician Fidel Mangonon III, mula 1992 nang magsimula siya sa PBA ay ngayon lang nangyari na parehong umabot ng 2 OTs ang dalawang laro.

Napuwersa ng Gin Kings ang second OT nang magbaon ng apat na sunod na 3-pointers sina Tenorio, Sol Mercado, Brownlee at huli ang wide-open shot ni Japeth Aguilar.

Pero sa dulo, lumabas na mas matibay ang tuhod ng Beermen.